-- Advertisements --

Umabot sa 6.1 milyong Pilipino ang naabot at naserbisyuhan sa kanilang First 1,000 Days sa pamamagitan ng pagpapatibay sa layunin ng Unified National Agenda (UNA) for Health.

Pinangunahan ang nasabing pagtugon ng Department of Health (DOH) katuwang ang Philippine Multisectoral Nutrition Project (PMNP) upang palakasin ang kalusugan at nutrisyon sa pinakamahalagang yugto ng buhay.

Para sa mga buntis, kabilang sa mga ibinigay na serbisyo ang prenatal at postnatal care pati na ang mga kinakailangang bitamina upang masuportahan ang ligtas na pagbubuntis at panganganak.

Samantala, mayroon ding tuloy-tuloy na monitoring, vitamin supplementation, at age-appropriate immunization para sa mga batang may edad zero hanggang dalawang taong gulang.

Sa pamamagitan ng pinagsamang serbisyo para sa mga ina at mga batang edad 0 to 2 years old, higit na pinatatag ng DOH at PMNP ang pundasyon ng kalusugan ng mga bata sa ilalim ng UNA for Health.