-- Advertisements --

Mabilis na natapos ang pagtalakay ng Senado sa panukalang pondo ng Commission on Elections (COMELEC) para sa 2027 sa plenary deliberations ng Senado matapos ang tatlong minutong talakayan.

Umabot sa P29.16 bilyon ang panukalang budget ng ahensiya na agad na nakalusot sa plenary deliberations ng Senado matapos ang tatlong minutong talakayan.

Si Senador Panfilo “Ping” Lacson ang nagsilbing sponsor ng pondo ng komisyon at nagbigay ng maikling presentasyon bago ito isalang sa plenaryo.

Sa kanyang pahayag, binanggit ni Lacson ang karagdagang P2 milyon na inilaan para sa konstruksyon ng COMELEC Integrated Field Office at ng gusali ng komisyon.

Wala nang senador ang nagtanong o humiling ng interpellation matapos ang presentasyon kaya hindi na humaba ang pagtalakay sa panukalang pondo.

Matapos ang maikling deliberasyon, agad nang nakalusot sa plenaryo ang proposed budget ng COMELEC.