Humingi ng paglilinaw si Senador Bam Aquino sa pabago-bagong plano para sa itatayong Pax Silica industrial hub sa New Clark City, Tarlac, at iginiit na dapat maging malinaw sa publiko kung ano talaga ang gagawin sa naturang lugar.
Inilabas ni Aquino ang kanyang pahayag sa deliberasyon ng panukalang 2027 budget ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa plenary ng Senado kasunod ng kanyang pag-endorse sa budget ng naturang ahensiya nitong Martes, Nov. 24
Ayon sa senador, magkakaiba ang naging paglalarawan umano sa proyekto sa mga nakaraang pagdinig. Una umano itong ipinakilala bilang data center, ngunit matapos makatanggap ng pagtutol mula sa ilang sektor, kabilang na siya, ay hindi na ito nabanggit sa sumunod na hearing.
Sa halip, naging manufacturing facility ang paglalarawan sa proyekto. Gayunman, hindi pa rin malinaw kung anong uri ng pagmamanupaktura ang isasagawa roon.
Dahil dito, iginiit ni Aquino na kailangang magkaroon ng transparency upang maunawaan ng publiko ang tunay na layunin, saklaw at mga planong pasilidad sa naturang industrial hub.
Ang Pax Silica industrial hub ay pinangangasiwaan ng BCDA at nakatakdang itayo sa New Clark City sa Tarlac. Ang BCDA ay isang government-owned corporation na responsable sa pagpapaunlad ng mga dating kampo militar at iba pang ari-arian ng pamahalaan.
















