-- Advertisements --

Nanawagan si Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa Senado at Kamara na tiyaking bukas sa publiko ang mga pagdinig ng bicameral conference committee o Bicam para sa panukalang 2027 national budget.

Sa isang pahayag na inilabas nitong Lunes, Nov. 23, iginiit ni Pangilinan na dapat magtatag ng panel ng mga independent observer na magbabantay sa mga pagtalakay ng Bicam.

Iminungkahi niyang kabilang sa mga observer ang mga kinatawan ng civil society organizations, pribadong sektor, Commission on Audit (COA) at Office of the Ombudsman. Maaari rin umanong imbitahan ang Korte Suprema bilang observer, basta’t hindi maaapektuhan ang pagiging independent ng hudikatura.

Bukod dito, hiniling ng senador na isapubliko ang bawat pagbabagong gagawin sa panukalang budget habang nasa Bicam. Dapat ding aniyang tukuyin kung sino ang nagpanukala ng bawat pagbabago at ipaliwanag kung bakit ito kinakailangan.

Binigyang-diin ni Pangilinan na kailangang maging malinaw sa publiko kung saan mapupunta ang pera ng bayan at kung sino ang may pananagutan sa bawat alokasyon bago tuluyang maging batas ang pambansang budget.

Matatandaang sa Bicam pinag-uusapan at pinagkakasundo ng mga mambabatas mula sa Senado at Kamara ang magkaibang probisyon ng kani-kanilang bersiyon ng panukalang budget bago isumite ang pinal na bersiyon para sa ratipikasyon.

Samantala, hiniling din ni Pangilinan na bigyang-prayoridad sa 2027 budget ang seguridad sa suplay ng tubig, paghahanda sa tagtuyot at napapanahong tulong sa mga magsasaka bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Super El Niño.

Ang panukalang 2027 national budget ay nagkakahalaga ng P7.2 trilyon at sinimulan nang talakayin sa plenary session ng Senado nitong Nobyembre 23.