Tinapos na ng Golden State Warriors ang 5 magkakasunod na pagkatalo matapos habulin ang Boton Celtics sa pagharap ng dalawa ngayong araw, Nov. 23.
Gumawa ang Golden State ng clutch comeback sa 4th quarter sa tulong ng mahigpit na depensa sa mga Boston player.
Sa pagsisimula ng laban, ibinulsa ng Warriors ang pitong puntos na kalamangan, ngunit agad itong binura ng Boston sa 2nd quarter. Sa pagtatapos ng 3rd quarter, hawak na ng 2024 NBA champion ang 8-point lead at agad itong lumaki sa pagsisimula ng 4th quarter.
Gayonpaman, pinangunahan ni Draymond Green ang solidong depensa sa mga Boston player sa huling sampung minuto ng laban hanggang sa tuluyang nabura ang kalamangan.
Limang minuto sa 4th quarter, hawak na ng GS ang dalawang puntos na kalamangan, 81-79, ngunit agad pa rin itong hinabol ng Boston.
Nagpatuloy ang mahigpit na depensa sa pagitan ng dalawang koponan at sa loob ng halos pitong minuto, lima hanggang pitong puntos lamang ang naipasok ng bawat team – dahilan upang maging gitgitan ang huling isang minuto ng laban, 87- 88, pabor sa Warriors.
Nagawa pa ni Warriors guard Brandin Podziemski na magpasok ng isang 3-pointer, 50 segundo bago matapos ang laban at dinala ang score sa 91-87, ngunit binaliktad ito ng game officials matapos ang successfull challenge ng Boston.
Sa huling sandali ng laban (10 secs), tinangka rin ni Boston star Jayson Tatum na magpasok ng isang jumpshot ngunit hindi na ito nakapasok at tuluyang naselyuhan ang panalo ng GS.
Nagtala si Podziemski ng 18 points sa panalo ng GS, habang 13 points at 9 rebounds naman ang ambag ni GS center Charles Bassey.
Para sa Celtics, nasayang ang 27 points ni Tatum, kasama ang 10 rebounds at anim na assists.















