Nagulat si House prosecutor Joel Chua sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na ginagamit umano ng mga pulis ang kanilang kapangyarihan para sa interes ng mga politiko.
Ayon kay Chua, hindi ito angkop dahil may kasaysayan umano ng karahasan at pagbabanta ang pamilya Duterte.
Binanggit ni Chua ang libo-libong pagkamatay na iniugnay sa war on drugs noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, nahaharap ngayon ang dating pangulo sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Nauna nang sinabi ni VP Sara na mayroon siyang hindi bababa sa limang dokumentadong banta na umano’y kinasasangkutan ng mga pulis laban sa kanya, sa kanyang mga tauhan at pamilya.
Giit ni Chua, kung may ebidensya si Duterte tungkol sa mga banta, dapat niya itong ilabas sa publiko at ipa-verify sa lehitimong media.
Wala rin umano siyang alam na kasalukuyang isyu ng maling paggamit ng kapangyarihan ng pulisya na gaya ng ina-alleged ng bise presidente.
Dagdag pa ni Chua, estratehiya ng prosecution team ang pag-atras sa mga alegasyon ng grave threats at bribery sa impeachment proceedings upang magtuon sa natitirang usapin tungkol sa hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte.









