Patuloy ang search and rescue operations sa isang candy factory sa Banten, Indonesia, matapos sumiklab ang sunog noong Sabado ng gabi.
Ayon sa pulisya, 24 body bags na ang narekober mula sa lugar, habang nasa 30 katao pa ang hindi natatagpuan. Tinatayang 300 empleyado ang nasa loob ng pabrika nang mangyari ang insidente.
Dahil sa tindi ng sunog, hindi na makilala ang mga labi ng mga biktima, kaya kinakailangan ang DNA testing upang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan.
Nakatakdang ipagpatuloy ang search and rescue operations sa Lunes ng umaga, ngunit nahahadlangan ang operasyon dahil sa panganib na gumuho ang ilang bahagi ng nasirang gusali.
Kumukuha na rin ang mga awtoridad ng DNA samples mula sa mga kaanak ng nawawalang manggagawa. Inaasahang aabutin ng dalawa hanggang tatlong linggo ang proseso ng pagkilala sa mga biktima.
Samantala, nagpahayag ng pakikiramay at paghingi ng paumanhin ang chief executive officer ng kumpanya na si Steven Wijaya sa mga empleyado at pamilyang naapektuhan ng trahedya, patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.








