-- Advertisements --

Nanawagan si Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan sa Kongreso na agad ipasa ang mga panukalang batas na magbibigay ng tax relief sa mga manggagawa at maliliit na negosyo sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Kabilang sa mga panukala ang pagtataas ng income tax exemption mula P250,000 hanggang P450,000 kada taon at pagtanggal ng 2% Minimum Corporate Income Tax (MCIT) para sa micro at small enterprises.

Ayon kay Yamsuan, malaking tulong ang mga ito upang mabawasan ang gastusin ng mga pamilya at mapagaan ang pasanin ng maliliit na negosyo, lalo na’t umabot na sa 7.8% ang inflation noong Oktubre.

Dagdag pa niya, kailangang maiakma ang tax exemption sa kasalukuyang presyo ng mga bilihin upang hindi lalong mahirapan ang mga manggagawa at pamilyang Pilipino.

Ipinaliwanag din ni Yamsuan na ang kasalukuyang P250,000 income tax exemption ay itinakda noong 2017 sa ilalim ng TRAIN Law. Ngunit dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, hindi na sapat ang halaga nito upang maprotektahan ang mga manggagawa at pamilyang may mababa at katamtamang kita.

Samantala, sinabi niyang makatutulong ang pagtanggal ng 2% MCIT upang mabawasan ang gastusin ng maliliit na negosyo. Sa ganitong paraan, maaari nilang magamit ang matitipid na buwis para sa operasyon ng negosyo at mapanatili ang kanilang mga empleyado.