Nagkasundo ang League of Municipalities of the Philippines (LMP) at Department of Budget and Management (DBM) na magkaroon ng patas na pagsusuri sa mga lokal na pamahalaang naapektuhan ng FY 2026 guidelines para sa Collective Negotiation Agreement (CNA) Incentive.
Kasunod ito ng dayalogo ng LMP at DBM Secretary Kim Robert C. De Leon hinggil sa pangamba ng mga alkalde na maaaring mawalan ng insentibo ang mga empleyado ng munisipalidad dahil sa pagkaantala ng mga proyekto at iba pang sitwasyong hindi kontrolado ng lokal na pamahalaan.
Sa ilalim ng kasunduan, papayagan ang mga apektadong LGU na magpaliwanag sa mga dahilan ng pagkaantala ng kanilang mga proyekto at magsumite ng mga dokumentong magpapatunay sa kanilang sitwasyon. Susuriin ang mga ito batay sa umiiral na batas at alituntunin.
Iginiit ng LMP na mahalagang mapanatili ang pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan, ngunit hindi dapat maparusahan ang mga kawani dahil sa mga problemang wala silang kontrol. Layunin nitong matiyak na patas ang pagpapatupad ng mga patakaran at mapangalagaan ang benepisyo ng mga empleyado ng lokal na pamahalaan.
Pinamumunuan ang LMP ni Mayor Faustino “Inno” Arcega Dy V ng Echague, Isabela, na nagsisilbing National President ng organisasyon para sa 2025–2028 term.








