Malayo umano sa sentrong usapin ng Article II ng impeachment complaint ang naging testimonya ng dalawang testigo ng depensa ni Vice President Sara Duterte, ayon kay House Prosecution Spokesperson Representative Zia Alonto Adiong.
Punto ni Adiong, ang pangunahing kailangang mabigyang-linaw ay ang umano’y hindi wastong deklarasyon ng mga ari-arian ng bise presidente at ang mga kahina-hinalang transaksiyong halos umabot sa P1.5 bilyon na iniulat na na-flag ng Anti-Money Laundering Council o AMLC.
Matatandaang sa ika-45 araw ng impeachment trial noong Biyernes, Nobyembre 20, tumestigo si Department of Trade and Industry Undersecretary Ceferino Rodolfo tungkol sa pagpaparehistro ng Cale88 Foods Corporation bilang export enterprise sa ilalim ng Board of Investments, kabilang ang mga kaukulang permit at sertipikasyon nito.
Samantala, kasunod niya ay si Food and Drug Administration Director IV Pilar Marilyn Pagayunan naman na kung saan naglahad ng mga dokumentong may kaugnayan sa rehistrasyon ng banana chips na ginagawa ng naturang kumpanya.
Ayon kay Adiong, wala umanong naipakitang sapat na paliwanag ang mga testigo tungkol sa mga papasok na remittance sa mga corporate bank account ng mga kumpanyang sangkot sa usapin.
Partikular na sinabi ni Adiong na nakatuon lamang ang naging testimonya ni Rodolfo sa pagkuha ng Cale88 ng mga permit at sertipikasyon upang makapag-operate bilang export enterprise. Samantala, ang naging presentasyon naman ni Pagayunan ay tungkol sa rehistrasyon ng banana chips ng kumpanya.
Para kay Adiong, hindi nito nasagot ang pangunahing mga tanong sa Article II, partikular ang mga alegasyon tungkol sa mga ari-arian ng bise presidente, hindi umano wastong deklarasyon ng mga ito, at mga kahina-hinalang transaksiyong pinupunto ng prosekusyon.
Samantala, inaasahang magbabalik at magpapatuloy ang impeachment trial sa Dec. 1 matapos hindi matuloy ang mga naunang nakatakdang pagdinig sa Nov. 26 at 27 dahil sa hindi umano pagiging available ng mga susunod na testigo ng depensa.














