Nagkainitan ang kampo ng prosekusyon at depensa sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Biyernes, kaugnay ng naunang stipulation sa product registration at pagsunod ng Cale88 Foods Corporation sa mga panuntunan ng Food and Drug Administration (FDA).
Ang Cale88 ay sinasabing pagmamay-ari ng korporasyong iniuugnay kay Atty. Manases Carpio, asawa ng bise presidente, at sa dentistang si Lourdes Lebosada.
Nagsimula ang pagtatalo nang tutulan ni defense counsel Justin Gular ang cross-examination ni private prosecutor Reynaldo Robles sa testigo ng depensa na si FDA Center for Food Regulation and Research Director IV Marilyn Pagayunan hinggil sa license to operate ng kumpanya at certificate of product registration ng kanilang produktong banana chips.
Ipinaliwanag naman ni Robles na walang kaugnayan sa naunang stipulation ang kaniyang pagtatanong dahil nais lamang niyang malaman kung patuloy na minonitor ng FDA ang operasyon ng Cale88 matapos maibigay ang Certificate of Product Registration nito.
Dalawang beses namagitan si Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero sa mainitang palitan ng argumento nina Robles at Gular, na kalaunan ay nagresulta sa maagang pagtatapos ng paglilitis matapos makapagtanong ng iisang katanungan si Senator-Judge Imee Marcos.














