-- Advertisements --

Sa ika-44 na araw ng impeachment trial, inusisa ni Senator-Judge Kiko Pangilinan ang defense witness na si dating Anti-Money Laundering Council (AMLC) official Atty. Rainer Dela Fuente tungkol sa kanyang kaugnayan kay Atty. Edward Gialogo, na dati niyang naging law firm partner.

Kinumpirma ni Dela Fuente na naging magkasosyo sila ni Gialogo mula 2018 hanggang 2021 at matagal na silang magkakilala bilang magkaibigan mula pa noong kolehiyo.

Tinanong ni Pangilinan kung alam niyang naging abogado ng Duterte Youth Party-list si Gialogo. Ayon kay Dela Fuente, wala siyang personal na kaalaman tungkol dito, bagama’t posible dahil nakatuon sa election practice ang larangan ng abogasya ni Gialogo.

Inusisa rin ni Pangilinan ang umano’y pagsuporta ni Gialogo sa kampanya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016. Gayunman, sinabi ni Dela Fuente na wala siyang alam tungkol dito dahil hindi na sila nagkakausap.

Samantala, nang tanungin kung sino ang kanyang ibinoto noong 2016 National Elections, sinabi ni Dela Fuente na hindi na niya matandaan kung nakaboto siya noong panahong iyon.