-- Advertisements --

Inaasahang papalo sa “danger level” ang heat index sa limang lugar sa Pilipinas ngayong araw, Nobyembre 19, batay sa pinakahuling taya ng state weather bureau.

Pinakamataas na mararamdamang init ang inaasahan sa Zamboanga City sa Zamboanga del Sur na aabot sa 45 degrees Celsius, habang posibleng pumalo naman sa 44 degrees Celsius ang init sa Puerto Princesa City, Palawan.

Samantala, tinatayang aabot sa 43 degrees Celsius ang mararamdamang alinsangan sa Coron at Aborlan sa lalawigan ng Palawan, gayundin sa bayan ng Dumangas sa Iloilo.

Upang makaiwas sa heat exhaustion at heat stroke, pinapayuhan ang publiko na palaging magbaon at uminom ng maraming malinis na tubig nang hindi na hinihintay pang makaramdam ng uhaw, at magsuot ng maluluwag at preskong kasuotan.

Inirerekomenda rin ng mga awtoridad na iwasang magbabad sa direktang sikat ng araw mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon, gumamit ng payong o sumbrero kung lalabas, at masusing bantayan ang mga bata, nakatatanda, at mga alagang hayop.