Hindi makaaapekto sa itinakdang target ng Pilipinas sa malinis na enerhiya ang pag-atras ng ilang power developer sa kani-kanilang malalaking proyekto.
Paliwanag ni Energy Secretary Sharon Garin, mismong ang naturang mga kumpanya ang nagpasyang ibalik ang kanilang kontrata nang matuklasang hindi magiging praktikal o kikita ang itatayo nilang pasilidad.
Binigyang-diin ng kalihim na pananagutan ng mga mamumuhunan na busisiin muna kung posible at kapaki-pakinabang ang isang proyekto bago sila pumasok sa kasunduan.
Sinabi naman ni Energy Assistant Secretary Mandy Romero na maaari pang saluhin ng ibang mamumuhunan ang mga lokasyong naiwan ng mga kumpanyang umatras sa proyekto.
Iginiit ni Romero na hindi dapat ituring na sagabal o kabiguan ang pangyayaring ito sa patuloy na pagpapalawak ng renewable energy sa bansa.
Sa halip, ipinapakita lamang nito na mahigpit na ipinatutupad ng Department of Energy (DOE) ang mga panuntunan nito upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga konsyumer.














