Wala umanong pipirmahang kasunduan kaugnay ng US-led Pax Silica Initiative sa pagbisita ni United States President Donald Trump sa Pilipinas.
Kinumpirma ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bago ang bilateral meeting nila ni Trump sa Malacañang, matapos tanungin ng mga mamamahayag kung may nakatakdang paglagda sa isang framework agreement para sa naturang inisyatiba.
“Not on this trip. We are not covering that on this trip.” Ani Pres. Marcos
Nauna nang sinabi ni US Ambassador to the Philippines Lee Lipton na walang pipirmahang kasunduan. Sinang-ayunan naman ito ni Marcos at nilinaw na hindi kabilang sa mga pag-uusapan sa kanilang pagpupulong ang Pax Silica.
Hindi naman nangangahulugan na tuluyan nang itinigil ang panukalang kasunduan.
Matatandaang sinabi ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na kailangan pang ayusin ng dalawang bansa ang mga detalye ng kasunduan bago ito maisapinal.
Una naman nang sinabi ni Department of Trade and Industry Undersecretary Ceferino Rodolfo na target pa ring malagdaan ang legal framework ng Pax Silica bago matapos ang 2026.
Layunin ng naturang inisyatiba na palakasin ang supply chain para sa mahahalagang teknolohiya gaya ng semiconductors at artificial intelligence.













