Ipinamahagi na ng Department of Health (DOH) ang 250 thermal ablation machines sa mga piling lokasyon sa iba’t ibang rehiyon upang higit na palakasin ang mga serbisyo sa pagpapagamot laban sa pre-cancer sa cervix sa buong bansa.
Ang mga kagamitang ito ay donasyon ng pamahalaan ng Japan, katuwang ang Expertise France, Unitaid, at World Health Organization, bilang bahagi ng pinaigting na pambansang kampanya laban sa cervical cancer.
Ang hakbang na ito ay nagpapatibay sa mga kasalukuyang programa sa pag-iwas, pagsusuri, at pinansyal na suporta gaya ng school-based HPV vaccination, HPV DNA testing, Visual Inspection with Acetic Acid, at Pap smear.
Kasama rin dito ang PhilHealth YAKAP Cancer Screening, DOH Cancer Assistance Fund, at PhilHealth Z Benefit Package para mas maging abot-kaya ang tulong medikal sa mga mamamayan.
Patuloy na pinagtibay ng Pilipinas ang pangako nitong pabilisin ang mga hakbang tungo sa pag-aalis ng cervical cancer para masiguro na walang Pilipinong napag-iwanan sa de-kalidad na pangangalagang medikal.














