Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) ng mapayapa at responsableng pagsasagawa ng mga kilos-protesta kasunod ng insidenteng naganap sa isang rally sa Cebu City noong Nobyembre 16.
Tinatayang 400 hanggang 600 demonstrador ang lumahok sa martsa mula Fuente Osmeña Circle hanggang Metro Gaisano Colon, nagkaroon ng komosyon matapos umanong magsunog ng effigy sa kalsada sa kabila ng naunang kasunduang hindi ito itutuloy.
Ayon sa PNP, dalawang pulis ang nagtamo ng mga injury sa braso at kamay, habang 12 indibidwal ang posibleng maharap sa kaukulang kaso dahil sa umano’y pagtulak sa mga pulis. Hindi pa rin naaaresto ang dalawang indibidwal na hinihinalang sangkot sa pagsusunog ng effigy.
Binigyang diin ng kapulisan na iginagalang ng pulisya ang karapatan ng bawat mamamayan na magpahayag ng kanilang saloobin, ngunit dapat ding tiyakin na hindi nalalagay sa panganib ang buhay at kaligtasan ng iba.















