Hindi nadidismaya ang Pilipinas sa hindi pagkakumpleto ngayong taon ng matagal nang isinusulong na Code of Conduct (COC) sa South China Sea sa pagitan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at China.
Sa kabila ng hindi pagkakamit ng target na maisapinal ang kasunduan sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas bilang ASEAN Chair ngayong 2026, nananatiling optimistiko ang pamahalaan na matatapos din ang negosasyon.
Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Theresa Lazaro na walang dahilan upang madismaya ang bansa dahil malaki na ang naging pag-usad ng negosasyon, kung saan nasa 80 porsiyento na ng mga talata sa draft ng kasunduan ang napagkasunduan ng mga partido.
Ayon kay Lazaro, kailangan lamang ng karagdagang panahon upang maresolba ang mga natitirang usapin at maisulong ang isang makabuluhan at pinal na kasunduan.
Binigyang-diin din ng kalihim na hindi maituturing na kabiguan ang hindi pagkumpleto ng COC sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas, dahil nagawa na ng bansa ang bahagi nito sa pagsusulong ng negosasyon.
Dahil dito, magpapatuloy ang pag-uusap sa ilalim ng Singapore, na siyang susunod na mamumuno sa ASEAN.















