Nanawagan si Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa Philippine National Police (PNP) na pairalin ang maximum tolerance at igalang ang karapatan ng mga mamamayan na magsagawa ng mapayapang protesta.
Sa kaniyang pahayag, binigyang-diin ng senador na mahalagang mapanatili ang kaayusan at seguridad habang tinitiyak na napoprotektahan ang karapatan ng bawat Pilipino na malayang magpahayag ng kanilang saloobin.
Ayon kay Pangilinan, kapwa Pilipino ang mga pulis at mga nagpoprotesta na may iisang hangarin, kabilang ang pagkakaroon ng disenteng kabuhayan, ligtas na komunidad at mas magandang kinabukasan para sa kanilang mga pamilya.
Dahil dito, hiniling niya sa mga pulis na harapin ang mga mapayapang nagpoprotesta nang may pang-unawa, pagpipigil at paggalang.
Binigyang-diin din ng senador na hindi dapat ikahiya ang mga mapayapang protesta sa pagdating ng mga lider at delegado mula sa iba’t ibang bansa para sa ASEAN Summit.
Sa halip, sinabi niyang pagkakataon ito upang maipakita sa international community na bahagi ng demokrasya sa Pilipinas ang malayang pagpapahayag ng saloobin at ang paggalang sa magkakaibang pananaw.
Iginiit ni Pangilinan na dapat matiyak ang kaligtasan ng lahat habang binibigyan ng pagkakataon ang bawat Pilipino na maiparating ang kanilang mga hinaing.














