Patay ang isang umano’y Malaysian drug pusher at ang kasabwat nitong Pilipino matapos maka-engkwentro nito ang tauhan Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasunod ng isang buy-bust operation sa Tawi-Tawi.
Naganap ang naturang buy-bust Sabado ng hapon, Nobyembre 15, sa Brgy. Tubig Mampallam, Bongao.
Batay sa pagsasalaysay ng PDEA, nagsimula ang palitan ng bala matapos makatunog ang mga suspek sa presensya ng mga operatiba. Tinangka anilang tumakas habang pinapuputukan ang awtoridad bago ang mga ito masawi.
Ayon kay PDEA Tawi-Tawi provincial officer Abraham Solon Kalim, kinikilala ang mga nasawi na si Janimal Bin Hajad, isang Malaysian national, at si Sansibar Amirul Amil, isang Pilipino.
Sugatan din ang dalawang hindi pa nakikilalang kababaihan, na kaagad namang dinala sa ospital upang mabigyan ng lunas.
Samantala, narekober naman ng awtoridad ng PDEA, katuwang ang mga tauhan ng Philippine Marine at PNP, ang dalawang kilo ng pinaghihinalaang metampethamine hydrochloride o shabu na nakasilid sa loob ng dalawang pakete ng tsaa at may may tinatayang halaga na P13.4 milyon.
Nakumpiska rin ng awtoridad ang iba pang mga ebidensiya tulad ng baril at isang motorized wooden boat na maaari anilang ginamit ng mga suspek sa pagtakas.















