Ipinagpatuloy ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang masusing paglilinis at pag-aayos ng mga kalsada bilang bahagi ng paghahanda para sa pagdaraos ng 49th ASEAN Summit sa susunod na linggo.
Pinangunahan ng mga tauhan ng Pasay City LGU ang paglilinis sa mga pangunahing lansangan gaya ng Roxas Boulevard, Baclaran, Macapagal Boulevard, paligid ng PICC, at Gil Puyat Avenue upang matiyak ang kaayusan nito.
Nakipagtulungan din ang lokal na pamahalaan sa Pasay City Veterinary Office upang masiguro na maililipat sa mga animal shelter ang mga pagala-galang hayop sa mga kalsada.
Layunin ng mga hakbang na ito na maihanda ang mga pangunahing ruta na dadaanang ng mga opisyal at delegado mula sa iba’t ibang bansa.
Kasabay nito, hinikayat ng pamunuan ng lungsod ang publiko na patuloy na sumuporta sa mga programa para sa kalinisan hindi lamang sa panahon ng summit kundi maging sa pang-araw-araw.














