Umabot sa mahigit 36,000 ang mga aplikasyon na naproseso ng Commission on Elections (COMELEC) sa unang araw ng voter registration sa iba’t ibang bahagi ng bansa kahapon, November 10.
Sa datos na ibinahagi ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia, nasa 36,125 ang kabuuang bilang ng mga naprosesong aplikasyon, karamihan ay mula sa mga kabataan na nais makilahok sa 2028 National and Local Elections (NLE).
Pinakamaraming aplikasyon ang naitala sa CALABARZON na umabot sa 8,161, sinundan ng Central Luzon na may 4,056 at Region 7 na may 2,132.
Samantala, nilinaw ng COMELEC na kinakailangang personal na magtungo sa mga itinalagang registration site ang mga kuwalipikadong botante upang makapagparehistro.
Sa ilalim ng voter registration period na nagsimula nitong November 10 at magtatapos sa July 30, 2027, kailangang personal na magsumite ng application form, magpa-capture ng biometrics at sumailalim sa panayam ang bawat aplikante.
Alinsunod ito sa Republic Act 8189 o Voter’s Registration Act of 1996 at Mandatory Biometrics Act.
Ayon kay Garcia, bahagi rin ng maagang pagtatapos ng registration period ang pagbibigay ng sapat na panahon sa poll body upang linisin at beripikahin ang listahan ng mga botante bago ang 2028 elections.
Gagamitin sa proseso ang Automated Fingerprint Identification System o AFIS na inaasahang tatagal nang isang buwan para masuri ang rekord ng mahigit 71 milyong rehistradong botante.
Ipinunto rin ni Garcia na sa isinagawang BARMM Parliamentary Elections, walang naitalang nawawala o ghost voters sa listahan ng mga botante.
Bukas ang voter registration mula Martes hanggang Sabado. Walang tatanggapin na aplikasyon tuwing Linggo, Lunes at holidays.
Target ng COMELEC na makapagtala ng karagdagang 3M botante na inaasahang magtutulak sa kabuuang bilang ng mga rehistradong botante sa bansa sa 74M pagsapit ng 2028 elections.














