-- Advertisements --

Epektibo ngayong araw ang panibagong malakihang oil price rollback matapos ianunsyo ng Department of Energy (DOE) kahapon, Nobyembre 9.

Ipinatutupad ang bawas-presyo na aabot sa P16.80 bawat litro sa gasolina, P4.10 sa diesel, at P3.70 sa kerosene bunsod ng pagbagsak ng halaga ng langis sa international market dahil sa pagluwag ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Sa pag-iikot ng Bombo Radyo sa ilang mga gasolinahan sa Metro Manila, naglalaro na ngayon sa P74 hanggang P79 ang kada litro ng gasolina, habang P88 hanggang P89 ang diesel, at P121 hanggang P127 para sa kerosene.

Bagama’t nagkaroon ng kaunting pagbaba, medyo malayo pa rin ang mga presyong ito kumpara noong bago magka-gera o pre-war levels.

Sa kabila nito, patuloy pa ring ipinatutupad ng pamahalaan ang mga programa tulad ng Fuel Subsidy sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Program upang maibsan ang pasanin ng sektor ng transportasyon.

Layunin nitong direktang bigyan ng tulong-pinansyal o fuel assistance ang mga tsuper at operator para matugunan ang epekto ng mataas na presyo ng krudo sa kanilang araw-araw na kabuhayan.

Samantala, batay sa pinakahuling datos na inilabas ng DOE umabot na sa mahigit 1.2 bilyong piso ang kabuuang pondo na naipamahagi sa ilalim ng programang ito para sa mga benepisyaryo.

Umabot na sa 110,211 na mga kuwalipikadong PUV beneficiaries ang nakinabang sa ayuda, katuwang ang 4,046 na mga participating gasoline stations sa buong bansa.