-- Advertisements --

Pinabulaanan ng Kamara de Representantes ang mga alegasyong umabot sa P1 trilyon ang mga amyendang ginawa nito sa panukalang 2027 national budget, at iginiit na P115 bilyon lamang ang aktuwal na halaga ng mga pagbabago.

Ayon kay Camarines Sur Rep. Arnie Fuentebella, kabilang sa mga amyenda ang pagwawasto sa detalye ng mga proyekto at hindi lamang paglilipat ng pondo sa pagitan ng mga ahensiya.

Ipinaliwanag naman ni Bataan Rep. Albert Garcia na karamihan sa mga pagbabago ay nagmula sa mga ahensiya ng pamahalaan at mga proyektong hindi naisama sa orihinal na panukalang badyet.

Hinimok ng mga mambabatas ang publiko na suriin ang bawat amyenda bago maglabas ng konklusyon tungkol sa pagiging lehitimo nito.

Nilinaw ni Surigao del Sur 1st District Rep. Romeo Momo Sr. ng Nacionalista Party na hindi nangangahulugang ang kabuuang halaga ng mga amyenda ay mga pondong binawas sa isang ahensiya at inilipat sa ibang ahensiya.

Nasa Senado na ngayon para sa pagsusuri ang P7.2 trilyong panukalang pambansang badyet bago ang bicameral conference deliberations.