-- Advertisements --

Ipinatupad ng Department of Agriculture (DA) ang 60-araw na import ban sa mga imported pork sa bisa ng Department Order 33 na inilabas nitong Nobyembre 7. Layunin nitong magpatupad ng mga kaukulang safeguard measures para sa sektor ng agrikultura.

Kabilang sa mga pansamantalang ipinagbabawal sa ilalim ng kautusan ang fresh, chilled, at frozen swine carcasses at half-carcasses, bone-in ham at shoulders, iba pang bone-in cuts, gayundin ang mga fresh, chilled, at frozen edible offal at liver.

Ayon sa pamunuan ng DA, ang hakbang ay ginawa upang mabigyang-proteksyon ang lokal na industriya ng pagbababoy na nakakaranas ng matinding pagkalugi na aabot sa P28 bilyon bunsod ng patuloy na pagdagsa ng murang imported pork at pagbaba ng farmgate prices.

Bukod sa pagbibigay ng mas patas na pagkakataon sa mga lokal na magbababoy, nilalayon din ng polisiya na maibsan ang epekto ng kompetisyon sa merkado sa pagitan ng mga lokal na produkto at imported goods.

Magiging epektibo ang naturang import ban 15 araw matapos opisyal na mailathala ang kautusan sa pahayagan. Ipapadala rin ito sa Bureau of Customs upang maisagawa ang kaukulang implementing guidelines.

Bilang kasunod na hakbang, tiniyak ng DA na isusulong din nila ang pagtataas ng taripa sa mga imported pork upang mas mapalakas pa ang proteksyon sa mga lokal na prodyuser sa bansa.