Nagbaba ng abiso ang Philippine Space Agency hinggil sa posibleng pagbagsak ng rocket debris sa katubigan ng bansa kaugnay ng panibagong rocket launch ng China nitong Lunes.
Ayon sa PhilSA, inilunsad ang launching ng Long March 12 sa China mula sa Hainan International Commercial Launch Center nitong madaling araw at inaasahan ang pagbagsak ng debris sa itinalagang drop zone humigit-kumulang 25 nautical miles mula sa Puerto Princesa, Palawan at 19 nautical miles mula sa Tubbataha Reefs Natural Park, sa loob ng nasasakupang katubigan ng bansa.
Bagama’t hindi naman ito inaasahang babagsak sa kalupaan, nagbabala pa rin ang ahensiya sa panganib na dala nito sa mga barko, aircraft, mangingisda, at iba pang sasakyang pandagat sa loob ng itinalagang drop zone.
Inabisuhan na rin nito ang publiko na agad ipagbigay-alam sa awtoridad o sa lokal na tanggapan kung sakaling makakita man ang mga ito ng naturang debris. Nagbabala rin ito laban sa paghawak dito dahil maaari itong makasama sa kalusugan dulot ng toxic substances mula sa rocket fuel.
Inaanyayahan naman ng PhilSA na makipag-ugnayan ang international partners nito sa layong mas gawing ligtas ang pagpapatupad ng naturang mga proyekto sa lahat ng panig.
“The Philippines invites international partners to explore how our region can develop coordinated protocols and capabilities that protect both our space assets and our people on the ground,” saad nito sa abiso.














