Nabigo si Alex Eala na masungkit ang sana’y ikalawa niyang WTA title matapos matalo kay American player Claire Liu, sa iskor na 3-6, 0-6, sa final ng Hong Kong Open.
Sa kabila ng pagkatalo, nanatiling magalang at positibo si Eala, at binati nito binati si Liu sa pagkapanalo ng kaniyang kauna-unahang tour title.
Naging dikdikan ang unang set hanggang tabla sa 3-3, bago nakalamang si Liu sa pamamagitan ng isang malakas na service game.
Bago paman makaabot si Eala sa finals ay dumaan muna ito sa mahihirap na laban kabilang ang matagal na semifinal match kontra sa dating world number three na si Maria Sakkari.
Posibleng nakaapekto rin sa kondisyon ng pinay tennis star ang sunod-sunod na mahihirap na laban. Sa ikalawang set ng laro sa finals, humingi siya ng medical timeout habang nahuhuli sa iskor na 3-4 at nilagyan ng benda ang kaniyang kanang hita. Paminsan-minsan din siyang nakikitang nahihirapan sa paggalaw, ngunit ipinagpatuloy pa rin ang laban.
Nagkaroon pa si Eala ng pitong pagkakataong makuha ang lamang sa unang game ng ikalawang set kung saan tumagal ito ng mahigit 26 na minuto. Nailigtas niya ang apat na break point, ngunit tuluyang nakalamang si Liu matapos na tumama sa net ang backhand shot ni Eala.
Sa kabila ng pagkatalo, nagpasalamat si Eala sa mga tagahanga na patuloy na sumusuporta sa kaniya at sinabing malaki ang kahulugan ng kanilang suporta sa kaniyang karera.














