Tinanggap ng Office of the City Public Employment Service Manager (OPES) at OFW Affairs Office ang parangal na Kaagapay ng Bagong Bayani at Likas na Katuwang ng OWWA noong Oktubre 27.
Sina OPES Officer-in-Charge Alyssa Alillana at OFW Affairs Office Head Corazon Ybañez ang tumanggap sa nasabing parangal.
Iginawad ang parangal bilang pagkilala sa mga programa ng Taguig na tumutulong sa mga OFW at kanilang pamilya na makakuha ng tulong sa paghahanap ng trabaho, oportunidad sa kabuhayan at iba pang mahahalagang serbisyo.
Sa pamamagitan ng OPES at OFW Affairs Office, layunin ng lungsod na matugunan ang pangangailangan ng mga Taguigeñong nagtatrabaho sa ibang bansa at ng kanilang mga pamilyang naiwan sa Pilipinas.
Sa pamumuno ni Taguig City Mayor Lani Cayetano, patuloy na pinapalakas ng lungsod ang mga serbisyong nakatuon sa kapakanan ng mga OFW, kabilang ang mga nagtatrabaho sa ibang bansa, mga nagbabalik sa Pilipinas at mga muling nagtatayo ng kanilang kabuhayan sa Taguig.
Tinitiyak ng mga naturang tanggapan na may malalapitan ang mga OFW at kanilang pamilya para sa tulong, trabaho at iba pang oportunidad na makatutulong sa kanilang pamumuhay.









