Nagpasya ang Senate impeachment court na mananatiling saklaw ng sub judice rule ang lahat ng apat na impeachment articles laban kay Vice President Sara Duterte, kahit tatlo rito ay binawi na ng House prosecution panel.
Ayon kay court spokesperson Atty. Regie Tongol, inilabas ang kautusan kasunod ng hiling ng depensa na ipatupad ang pagbabawal sa lahat ng panig na magkomento sa merito ng kaso sa publiko.
Una nang inalis ng impeachment court ang sub judice rule sa Articles I, III at IV na tumatalakay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, bribery at grave threats.
Gayunman, binawi ng prosekusyon ang tatlong artikulo, kaya Article II o unexplained wealth na lamang ang nagpapatuloy sa paglilitis.
Binalaan ng korte ang lahat ng partido at abogado na maaaring maparusahan sa paglabag sa kautusan. Katumbas nito ang reprimand sa unang paglabag at multang P30,000 sa mga susunod na paglabag. Nakatakdang magpatuloy ang impeachment trial sa susunod na linggo.















