-- Advertisements --

Umaasa ang kampo ng prosekusyon na wala nang mga usapin o mosyon na magiging dahilan ng panibagong pagkaantala sa pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ngayong darating na Lunes, Nov. 9.

Nais ng prosekusyon na dumiretso na umano ang paglilitis sa natitirang Article II o ang alegasyon ng unexplained wealth, sa halip na muling talakayin ang mga impeachment article na hindi na itinuloy.

Ayon kay House Prosecutor Atty. Jay Tolosa Jr., umaasa silang wala nang ihahaing pre-referral matters o mga usaping kailangang resolbahin muna bago magpatuloy ang mismong pagdinig.

Partikular na tinukoy ni Tolosa ang naunang iginiit ng kampo ng depensa na dapat pa rin silang payagang magharap ng ebidensiya kaugnay ng mga impeachment article na ibinaba na ng prosekusyon.

Giit ni Tolosa, malinaw na ang naging pasya ng Senate Impeachment Court na hindi na dapat payagan ang naturang hakbang dahil wala na itong magiging layunin sa paglilitis at maaari lamang magdulot ng pagkaantala.

Umaasa rin ang prosekusyon na matatapos ang pagtalakay sa natitirang artikulo bago matapos ang taon.

Samantala, kinuwestiyon naman ni House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon kung may sapat na mga testigo ang depensa na kayang sagutin ang bawat paratang at ang mga ebidensiyang iniharap ng prosekusyon.

Ayon kay Ridon, mahalagang makapagharap ang depensa ng mga testigong kayang magpaliwanag sa mga partikular na alegasyon, lalo’t tinanggap na ng impeachment court ang malaking bahagi ng mga dokumento at testimonya ng prosekusyon.

Binigyang-diin niyang kailangang harapin ng depensa ang mga ebidensiyang ito sa kanilang presentasyon.

Matatandaang noong Oktubre, nagpasya ang kampo ng prosekusyon na hindi na ituloy ang tatlo sa apat na impeachment article laban kay Duterte. Dahil dito, ang Article II na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth na lamang ang nanatiling usapin sa paglilitis.

Inaasahang tututukan sa pagpapatuloy ng paglilitis ngayong Lunes ang mga ebidensiya at testigong ihaharap ng kampo ng depensa upang sagutin ang mga naturang alegasyon.