-- Advertisements --

Ipinag-utos ng pamahalaan sa Delhi, India, ang pagsasagawa ng online classes sa mga paaralan.

Hinikayat din ang mga manggagawa na magtrabaho mula sa bahay at ipinagpaliban muna ang ilang pagtitipon dahil sa patuloy na paglala ng kalidad ng hangin sa lugar.

Dagdag pa sa pangamba ang nalalapit na pagdiriwang ng Diwali, isang Hindu festival of lights na nakatakdang ipagdiwang sa Linggo.

Karaniwang gumagamit ng mga paputok sa selebrasyong ito, na inaasahang lalo pang magpapalala sa polusyon sa hangin.

Matagal nang kinakaharap ng hilagang bahagi ng India ang problema sa polusyon sa hangin, lalo na sa pagdating ng malamig na panahon.

Sa panahong ito, mas naiipon sa atmospera ang iba’t ibang uri ng polusyon, kabilang ang usok mula sa mga sasakyan, alikabok mula sa mga construction site, at usok na nagmumula sa pagsusunog ng basura.

Noong nakaraang linggo, naitala ang Air Quality Index (AQI) na 382 sa Delhi, batay sa datos ng Central Pollution Control Board.

Itinuturing itong kabilang sa kategoryang ‘Very Poor’ na nagpapahiwatig ng mataas na antas ng polusyon sa hangin.

Ilang residente na rin ang nagpahayag ng pangamba dahil nararamdaman na nila ang masamang epekto ng maruming hangin sa kanilang kalusugan.

Dahil dito, nag-atas ang Commission for Air Quality Management ng mas mahihigpit na hakbang upang makontrol ang polusyon at maiwasan ang lalo pang paglala ng kalidad ng hangin sa Delhi.