Nakatulong ang paglakas ng livestock at poultry upang maibsan ang pagbaba ng ani ng palay at mais sa ikatlong quarter ng taon dahil sa masamang panahon at mataas na gastusin sa produksyon.
Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba sa P389.42 bilyon ang halaga ng produksyon ng sektor, kung saan ang sektor ng pananim ang nagtala ng 9.3 porsiyentong pagbaba sa P197.71 bilyon.
Nabalanse ito ng paglago ng poultry ng 4.9 porsiyento sa P79.67 bilyon at livestock ng 1.1 porsiyento sa P61.17 bilyon, na nagsilbing panangga sa paghina ng ani ng mga pangunahing pagkain.
Bilang paghahanda sa banta ng El Niño, binuo ng Department of Agriculture (DA) ang isang P62-bilyong programa para sa mga makabagong teknolohiya at interbensyon.
Binigyang-diin nina Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. at Undersecretary Christopher Morales ang pangangailangang palawakin ang mga imprastruktura tulad ng water management upang matiyak ang suplay ng pagkain at kita ng mga magsasaka.














