-- Advertisements --

Ipinaliwanag ni Deputy Speaker Ronaldo Puno kung bakit bumotong pabor ang mga miyembro ng National Unity Party (NUP) sa House General Appropriations Bill, sa kabila ng mga nakikita nilang kailangang baguhin sa panukalang pambansang budget.

Sa naging pagpupulong ng NUP at People’s Budget Coalition, tinanong ni PBC Co-convenor Kenneth Isaiah Ibasco Abante kung bakit sinuportahan pa rin ng partido ang House version ng budget gayong mayroon na silang mga iminungkahing reporma at hindi rin sila sang-ayon sa ilang bahagi nito.

Bilang tugon, sinabi ni Puno na una nilang pinag-isipang mag-abstain sa botohan ngunit kalaunan ay nagpasya silang bumoto ng ‘yes’ dahil sa mga konsiderasyong pampulitika sa loob ng Kamara.

Ipinaliwanag niyang may 58 miyembro ang NUP sa House of Representatives at inaasahan ang pagkakaisa ng mga ito sa pagboto bilang isang partido.

Isinaalang-alang din umano nila na hindi sapat ang kanilang bilang upang mabago ang resulta ng botohan. Bukod dito, nangamba silang masisi sa posibleng pagkaantala ng pagpasa ng pambansang budget kung bumuto sila laban sa panukala.

Binanggit din ni Puno na maaari pang talakayin ang mga panukalang pagbabago sa susunod na yugto ng proseso, partikular sa bicameral conference committee o bicam, kung saan pag-uusapan ng mga kinatawan ng Senado at Kongreso ang kanilang magkahiwealay na bersiyon ng budget.

Pinakinggan naman ng PBC ang mga paliwanag ng NUP upang higit na maunawaan ang naging posisyon ng partido at matukoy ang mga posibleng larangan ng pagtutulungan.

Gayunman, binigyang-diin ng grupo na nananatiling may pananagutan ang mga mambabatas na bumoto pabor sa HGAB, anuman ang kanilang naging dahilan sa pagsuporta rito.

Ayon sa PBC, mahalagang magkaroon ng malinaw na mga hakbang upang matugunan ang mga isyung nakita sa kasalukuyang bersiyon ng panukalang budget.

Sa kabila ng mga pagkakaiba sa ilang usapin, nagpahayag naman ng kahandaang magtulungan ang NUP at PBC upang maisulong ang mga reporma sa proseso ng pagbubuo at pagsusuri ng pambansang budget.

Matatandaang kabilang sa mga isyung inilabas ng PBC sa House version ng panukalang 2027 national budget ang halos 7,000 infrastructure projects na nagkakahalaga ng P190 bilyon na ayon sa grupo ay walang sapat na publicly available supporting documents.

Patuloy na isinusulong ng mga budget watchdog ang mas malawak na transparency sa paglalaan ng pondo, kabilang ang pagkakaroon ng malinaw na dokumentasyon at batayan para sa mga proyektong isinasama sa pambansang budget.