Inaasahang magiging sentro ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ang mga testigong ihaharap ng kaniyang kampo sa pagsisimula ng presentasyon ng depensa sa Lunes.
Batay sa listahang inihain ng depensa, 24 na testigo ang natitira matapos umatras si Dean Ralph Sarmiento, na una ring kabilang sa mga nais nilang ipatawag.
Ayon kay Senate Impeachment Spokesperson Atty. Reginald Tongol, ilalaan ang buong araw sa pagdinig para sa pagsusuri sa mga testigo. Dadaan ang mga ito sa direktang pagtatanong ng depensa, cross-examination ng prosecution, at mga tanong mula sa mga senator-judge.
May mga araw namang walang impeachment hearing ngayong Nobyembre dahil sa mga nakatakdang plenary session ng Senado at sa pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit.
Nakatakda sa Nobyembre 23 ang huling araw ng pagdinig para sa kasalukuyang buwan.
Kung hindi pa matatapos ang paglalatag ng ebidensiya at pagharap ng mga testigo ng depensa, nasa pagpapasya ng Presiding Officer kung magdaragdag ng mga araw ng pagdinig sa Disyembre.
Matatandaang una nang kabilang si Sarmiento sa listahan ng mga testigong nais iharap ng depensa, ngunit nagpasya itong umatras sa pagtestigo.













