-- Advertisements --

Personal na iniutos ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang pagsisiyasat ng House Committee on Agriculture and Food upang matiyak na maayos at malinaw na nagagamit ang pondo para sa mga magsasaka at mangingisdang matinding naapektuhan ng El Niño.

Ayon kay Quezon Rep. Mark Enverga, layunin ng pagdinig sa ilalim ng House Resolution No. 967 na suriin ang kahandaan ng pamahalaan sa inaasahang El Niño sa 2026–2027 at ang mga hakbang upang mabawasan ang epekto nito.

Binusisi ng komite ang pamamahagi ng P6.2 bilyong tulong sa ilalim ng UPLIFT program, na nakalaan para sa mahigit 310,000 maliliit na magsasaka at mangingisda, kabilang ang ayuda sa gasolina, pataba at direktang pinansyal na suporta.

Titingnan din nito ang kakulangan na P371 milyon para sa mga programa tulad ng cloud seeding at pagkontrol sa pesteng sumisira sa mga taniman ng tubo. 

Susuriin din ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya at lokal na pamahalaan sa paghahatid ng tulong.

Binigyang-diin ni Enverga na hindi dapat maantala ang ayuda dahil patuloy na nanganganib ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda. 

Hiniling niya sa mga ahensya ng gobyerno ang agarang aksyon at konkretong tulong sa mga komunidad na pinaka naaapektuhan ng tagtuyot.