-- Advertisements --

Naging matagumpay ang comeback ng Golden State Warriors laban sa Phoenix Suns matapos muling buhatin ni NBA superstar Stephen Curry ang kaniyang koponan at iposte ang 116-113 win.

Hindi inalintana ng Warriors ang 17-point deficit sa pagsisimula ng laban at unti-unting binura ang kalamangan ng Phoenix hanggang sa 3rd quarter.

Sa pagtatapos ng ikatlong quarter, tuluyan nang itinabla ng Golden State ang score sa 93.

Pinangunahan naman ni Steph ang 4th-quarter offense ng koponan at dinala ang laban sa 110-108, pabor sa GS, dalawang minuto bago matapos ang match.

Umabot pa ang score sa 113-108, 38 seconds bago matapos ang regulation, ngunit tuluyang nakahabol ang Suns sa pamamagitan ng magkakasunod na 2-point shots.

Gayonpaman, muling sumandal ang Warriors sa halos perfect free throw shots ni Curry, matapos siyang gawaran ng magkakasunod na free throw dahil sa tawag na foul sa ilang Suns players.

Tinapos ng koponan ang laban sa score na 116-113, sa pangunguna ni Steph na kumamada ng 34 points, 7 assists, at anim na rebounds. Nagawa rin ng superstar na ipasok ang 11 mula sa 12 free throws na iginawad sa kaniya.

Hindi nakaapekto sa koponan ang maagang pagka-alis ni Warriors defender Draymond Green sa hardcourt dahil sa magkasunod na foul (technical) sa unang bahagi ng laban.

Ito na ang ikalimang magkakasunod na panalo ng GS, matapos ang tatlong magkakasunod na pagkatalo nito sa pagsisimula ng season (5-3).

Hawak ng Suns ang 1-4 na win-loss record.