Ipinagbawal ng City Government of Makati ang pagpapalipad ng drones at iba pang klase ng unmanned aerial vehicles (UAVs) sa lungsod nito sa buong buwan ng Nobyembre.
Kaugnay ito ng papalapit na 49th Association of Southeast Asian Nations (Asean) Summit na idadaos sa bansa ngayong buwan.
Sa inilabas nitong opisyal na pahayag sa Facebook nitong Lunes, Nobyembre 2, gaganapin ang ilang mga aktibidad at high-level meetings na lalahukan ng pamahalaan ng bansa kasama ang iba’t ibang mga pinuno’t kinatawan ng mga banyagang estado, dignitaries, at international delegates.
Paglilinaw ng lungsod, ito’y upang obserbahan at tiyakin ang seguridad ng mga bisitang dadalo sa summit, maging sa kaligtasan na rin ng buong komunidad nito.
Hiniling naman ng pamahalaan ng lungsod ang kooperasyon at pag-unawa ng mga drone owners, operators, at hobbyists, kabilang ang mga residente ng lungsod hinggil sa pansamantalang polisiya nito.
Samantala, nakatakda namang ganapin ang Asean Summit at iba pang mga kaugnay na pagtitipon sa darating na Nobyembre 16 hanggang Nobyembre 18 ngayong taon na itinalaga ring special non-working holidays sa buong Metro Manila sa pag-uutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.













