-- Advertisements --

Umabot sa kabuuang 8,721 na pasyente ang nabigyan ng tulong ng Philippine Red Cross (PRC) sa ika-limang araw ng kanilang nationwide “Undas Operation 2026” hanggang 9:00 ng umaga ngayong Nobyembre 2, 2026.

Kabilang sa mga naserbisyuhan ang 8,721 na indibidwal para sa pagkuha ng vital signs, 359 na minor cases tulad ng pagkahilo at sugat, 19 na major cases, at siyam na pasyenteng kinailangang mai-transport sa ospital dahil sa matitinding kondisyon tulad ng stroke at cardiac arrest.

Nagkaloob din ang organisasyon ng 297 welfare assistance kabilang ang psychological first aid, pamimigay ng pagkain at tubig, at wheelchair assistance para sa mga nandarayuhang mamamayan.

Upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko, nag-deploy ang PRC ng 1,977 manpower na kinabibilangan ng 132 staff members at 1,845 na volunteers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Nagtala rin ang kawanihan ng 73 ambulances, 404 first aid stations, 131 welfare desks, 45 foot patrols, at iba pang rescue assets upang mabilis na makatugon sa anumang emergency.

Nakatutok ang mga rescue units sa 349 na sementeryo, 17 bus terminals, siyam na seaports, dalawang paliparan, at iba pang matataong lugar habang nagpapatuloy ang operasyon hanggang Nobyembre 3.