-- Advertisements --

Papayagan umano ni Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito ang pagdalo ng mga kinatawan ng civil society organizations (CSOs) bilang mga tagamasid sa deliberasyon ng panukalang P7.2 trilyong pambansang budget sa bicameral conference committee. 

Kasunod ito ng isinagawang pagdinig ng Senate Finance Committee Noong Oktubre 26, kasama ang mga CSO kung saan nagbabala ang People’s Budget Coalition (PBC) tungkol sa mahigit P1 trilyong halaga ng mga kahina-hinalang alokasyon o red flags sa panukalang badyet. Kabilang umano rito ang iba’t ibang uri ng pondong tinatawag na “pork” sa bersiyon ng General Appropriations Bill (GAB) ng Kamara.

Ipinagtanggol naman ng mga lider ng House of Representatives ang mga pagbabagong ginawa nila sa panukalang badyet, at sinabing nakabatay ang mga ito sa mga panukala ng mga ahensiya at may sapat na batayan.

Sa gitna nito, hinikayat ni Ejercito ang publiko na gamitin ang mga digital tool na binuo ng mga CSO upang suriin ang mga dokumento ng badyet at matukoy ang mga kuwestiyonableng alokasyon.

Ayon sa senador, makatutulong ang pagkakaroon ng mas maraming tagamasid upang matukoy ang mga proyektong hindi dumaan sa sapat na pagsusuri at ang mga posibleng huling-minutong dagdag sa panukalang badyet. 

Dagdag pa niya, ilalagay din sa website ng Senado ang mga naturang tool upang mas madaling masuri ng ordinaryong mamamayan kung saan napupunta ang pondo ng bayan.

Tiniyak din ni Ejercito na gaya noong nakaraang taon, magiging live-streamed ang bicam proceedings upang masubaybayan ng publiko ang pag-uusap ng Senado at House of Representatives sa pagsasaayos ng magkaibang bersiyon ng panukalang General Appropriations Bill.

Sa kasalukuyan, tinatapos na ng Senate Finance Committee ang committee report sa panukalang badyet. Inaasahang pormal na ihaharap ni Ejercito sa plenaryo ang panukalang 2027 General Appropriations Bill ngayong buwan.