-- Advertisements --

Pinaaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko ukol mga handaan o kainan ngayong panahon ng Undas.

Kabilang dito ang banta ng food poisoning at iba pang uri ng sakit na posibleng mapalala dahil sa iba’t-ibang mga pagkain.

Ayon sa ahensiya, mainam na limitahan ang pagkonsumo ng matataba, maalat, at mamantikang pagkain na kadalasang nagiging mitsa o nagpapalala ng hypertension, sakit sa puso (Cardiovascular Diseases), at chronic kidney disease (CKD).

Payo ng DOH, mahalagang tiyakin ang kaligtasan at kalusugan ng buong pamilya sa pamamagitan ng wastong paghahanda at paghawak ng pagkain, lalo na kung magdadala ng pagkain sa mga sementeryo upang doon magsalo-salo.

Tiyakin din, ayon sa ahensiya, na hindi kontaminado ang mga pagkain, kapag magdesisyon kumain sa mga puntod, at siguruhing gumamit ng mga sariwang sangkap, at dagdagan ng prutas at gulay.

Pinapatiyak din ng ahensiya na lutong-luto ang mga ihahandang pagkain at malinis ang mga lalagyan na gagamitin sa pag-iimbak o pagbaon patungo sa mga sementeryo.

Nagbabala rin ng ahensiya laban sa pagkain ng mga pagkaing kadalasang iniiwan sa labas o iniiwan sa mga puntod, lalo na kung matagal nang nakabukas ang mga ito.