-- Advertisements --

Siniguro ng Philippine Ports Authority (PPA) ang sapat na port services at maayos na pasilidad sa lahat ng mga pantalan para sa mga biyahero sa kabuuan ng Undas exodus.

Ayon kay PPA Spokesperson Eunice Samonte, ito ay sa gitna ng hanggang dalawang milyong mga Pilipino na inaasahang magdadagsaan sa iba’t-ibang mga pantalan, pauwi sa kani-kanilang mga probinsiya.

Bago magsimula ang Undas exodus, inayos na rin ng port management offices ang mga pasilidad, lalo na sa mga lugar na dating naapektuhan ng nagdaang Supertyphoon Rosal tulad ng Bicol Region at Northern Luzon.

Inatasan din ng PPA aniya ang mga port management na tiyaking hindi apektado ng umiiral na El Nino ang mga pasilidad sa bawat pantalan sa pamamagitan ng paglalagay ng sapat na airconditioning units, atbpang makakatulong sa mga pasahero laban sa labis na mainit na panahon.

Ayon kay Samonte, may kakayahan ang mga pantalan na i-accommodate ang mga pasahero na posibleng ma-stranded dahil sa iba’t-ibang kadahilanan tulad ng trip cancellation.

Magpapatuloy na naka-alerto ang PPA hanggang sa ika-5 ng Nobiyembre kung kailan inaasahang nakabalik na ang libu-libong mga biyahero mula sa probinsiya.