-- Advertisements --

Iginiit ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro na hindi nagsisinungaling ang mga numerong nakasaad sa bank accounts at tax records ni Vice President Sara Duterte na iniharap sa Senate impeachment court.

Pahayag ito ni Luistro nang tanungin tungkol sa survey ng Social Weather Stations noong Setyembre, kung saan marami umanong Pilipino ang hindi naniniwala sa mga alegasyon laban sa Bise Presidente. Ayon sa mambabatas, mula mismo kay Duterte ang mga dokumentong ginamit ng prosecution panel sa Article II na tumatalakay sa unexplained wealth.

Kabilang sa mga ebidensyang iniharap ang tax at bank records, gayundin ang mga kumpanyang iniuugnay kay Duterte at sa kaniyang asawang si Atty. Manases Carpio. Batay naman sa forensic analysis ni Atty. Alex Cabrera, mahigit P817.8 milyon ang hindi naideklara ng mag-asawa sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ng Bise Presidente, batay sa konserbatibong pagtaya.

Sa kabila ng resulta ng survey, nagpahayag si Luistro ng kumpiyansa sa bigat ng ebidensyang iniharap nila. Kabilang sa Article II allegations ang hindi umano ganap at tapat na pagdedeklara ng mga ari-arian at pagkakaroon ng negosyo at pinansyal na interes habang nanunungkulan bilang Bise Presidente.