Nadagdagan ng 62 ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na nakauwi sa Pilipinas mula Saudi Arabia nitong Biyernes ng gabi, kaya umabot na sa 574 ang kabuuang bilang ng mga repatriated Filipino. Sinalubong sila ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Ayon kay Cacdac, marami sa mga umuwi ang halos tatlong linggong naantala dahil sa pagkaantala ng mga flight mula Riyadh patungong Maynila. Inaasahan namang nasa 500 pang OFW ang maibabalik sa bansa sa susunod na apat hanggang limang araw, kaya lalampas sa 1,000 ang kabuuang bilang ng mga repatriated Filipino.
Samantala, nagbigay na ang DMW ng financial assistance sa tinatayang 3,900 Pilipino sa Saudi Arabia mula Oktubre 10, kabilang ang mga airport worker, ground crew, maintenance personnel at flight attendant na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa aberya sa operasyon ng paliparan.
Bukod sa tulong pinansyal, tinutulungan din ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration ang mga umuwing OFW na makahanap ng trabaho sa pamamagitan ng skills profiling at job matching. Nakikipag-ugnayan din ang pamahalaan sa TESDA para sa mga nais sumailalim sa pagsasanay at lumipat sa ibang trabaho.
















