Hinimok ng Truth Commission ang Professional Regulation Commission (PRC) at Philippine Medical Association (PMA) na imbestigahan ang ilang doktor ukol sa kaduda-dudang death certificates ng 13 biktima ng anti-drug campaign ng nakaraang administrasyon.
Lumalabas sa pagsusuri ng komisyon na pneumonia, heart attack, at sepsis ang inilagay na sanhi ng kamatayan sa mga dokumento ng 11 lalaki sa Caloocan at Quezon City noong 2016 at dalawa pa noong 2018.
Binaligtad ito ng mga findings ng forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun matapos niyang makitaan ng mga gunshot wounds sa ulo at katawan ang lahat ng 13 labi ng mga biktima.
Binigyang-diin ni Truth Commission Chairman Judge Raul Pangalangan na ang tamang pag-alala sa mga yumao ngayong All Souls’ Day ay nangangahulugan ng pagtutuwid sa kanilang opisyal na rekord at pagpapanagot sa mga maysala.
Nilinaw naman ng komisyon na ang pagtukoy sa limang doktor ay isang wawa para sa pormal na imbestigasyon at hindi agad pagdedeklara ng kanilang pagkakasala dahil maaari ding sila ay pinilit lamang na magsinungaling.
Hinimok din ng grupo ang Philippine Statistics Authority (PSA) at iba pang tanggapan na tulungang maitama ang mga dokumento, habang ang dating pangulong Rodrigo Duterte ay patuloy na nakadetine sa International Criminal Court (ICC).














