Pinapabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa mga lokal na pamahalaan ang pagtatangka o pagpupumilit ng mga mamamayan na pumasok sa palibot ng bulkang Mayon.
Ito ay kasunod ng ‘moderate explosive eruption’ ng bulkang Mayon kahapon ng tanghali, October 30.
Ayon sa Phivolcs, dapat ay hindi payagan ang publiko na pumasok 6-kilometer radius Permanent Danger Zone ng Bulkang Mayon dahil sa panganib na dala ng bulkan tulad ng posibilidad ng biglaan muling pagputok tulad kahapon.
Kailangan, ayon sa Phivolcs, na may mga magbabantay sa bawat lugar na posibleng magsilbing lagusan o daanan ng sinumang magtatangkang pumasok sa loob ng PDZ, anuman ang kanilang nais gawin dito.
Kahapon ay agad na ring inirerekomenda ng mga otoridad ang paglikas sa lahat ng nasa loob ng danger zone matapos ang eruption.
Kabilang sa bantang dala ng bulkang Mayon sa kasalukuyan ay ang pyroclastic density currents, lava flow patungo sa mga daluyan ng tubig, rockfall, at iba pang volcanic hazards.













