Umabot sa halos 1 milyon o 961,346 na mga Pilipino ang nakabili ng murang P20 kada kilong bigas noong Setyembre sa ilalim ng “Benteng Bigas, Meron Na!” program ng pamahalaan.
Ayon sa datos ng Department of Agriculture, ito na ang pinakamataas na buwanang bilang ng mga benepisyaryong natulungan ng programa simula nang ilunsad ito noong nakaraang taon.
Kabilang sa mga nakinabang ang mga senior citizen, indigent, solo parent, PWD, magsasaka, mangingisda, at minimum wage earner na labis na pinapasan ang mataas na gastusin sa pagkain.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na mula Enero hanggang Setyembre, mahigit 5.6 milong Pilipino na ang direktang natulungan ng programa.
Upang mas mapabilis ang distribusyon at magkaespasyo ang mga bodega ng National Food Authority para sa mga bagong ani, pinapayagan na ang mga benepisyaryo na makuha ang kanilang buwanang 30-kilo allocation sa isang bagsakan simula Disyembre.
Layunin ng administrasyong Marcos na panatilihin ang programang ito hanggang sa pagtatapos ng termino sa Hunyo 2028 upang patuloy na matulungan ang mga mahihirap na pamilya habang sinusuportahan din ang mga lokal na magsasaka.














