-- Advertisements --

Nagpaalala ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (HPG) sa mga motorista na sundin ang mga hakbang pangkaligtasan sa kalsada sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero sa mga sementeryo at probinsya ngayong Undas 2026.

Ayon kay HPG chief Police Brigadier General Joyce Patrick Sangalang, magtatalaga ang ahensya ng 761 tauhan sa buong bansa, katuwang ang 586 force multipliers, upang tumulong sa daloy ng trapiko, seguridad sa mga highway at pag-asiste sa mga motorista.

Pinayuhan din ang mga motorista na iparada ang sasakyan sa ligtas at maliwanag na lugar, ikandado ang mga pinto at bintana, at huwag mag-iwan ng susi o mahahalagang gamit sa loob. Bago bumiyahe, dapat suriin ang baterya, ilaw, preno, gulong, makina at gasolina, at iwasang magmaneho kapag inaantok, nakainom o nasa impluwensya ng ilegal na droga.

Mula Enero hanggang Oktubre 15, nakapagtala ang HPG ng 118,600 road crash incidents, kabilang ang 3,816 nasawi. Pinakakaraniwang sanhi ang overspeeding na umabot sa 37,000 insidente, habang motorsiklo ang sangkot sa pinakamaraming aksidente, na may 57,700 insidente.