-- Advertisements --

Naniniwala si dating presidential spokesperson Harry Roque na malabong payagan ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ng prosekusyon na tanggapin ang mga naitalang testimonya ng dalawang saksi sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte nang hindi sumasailalim sa cross-examination.

Ayon kay Roque, dapat mabigyan ang depensa ng pagkakataong kuwestiyunin ang mga saksi, lalo na kung direktang nag-uugnay ang kanilang mga pahayag kay Duterte sa mga umano’y pagpatay sa ilalim ng kampanya kontra droga. Tinataya niyang 80 porsiyento ang posibilidad na hindi ito payagan ng korte.

Kinontra ng defense team ni Duterte, sa pangunguna ng British lawyer na si Peter Haynes, ang kahilingan ng prosekusyon na tanggapin ang mga naitalang testimonya ng mga saksi nang hindi sila humaharap sa pagdinig ng ICC Trial Chamber III.

Paliwanag ni Roque, mahalaga ang cross-examination upang matukoy ang mga hindi pagkakatugma sa mga pahayag at masuri ang kredibilidad ng mga saksi. Gayunman, ang pinal na desisyon kung tatanggapin ang mga testimonya nang walang cross-examination ay nasa ICC.