Nagsimula nang dumagsa ang mga flower buyer mula sa iba’t ibang lalawigan sa Labilab, Itogon, Benguet upang bumili ng mga bulaklak na ibebenta para sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day sa Nobyembre 1 at 2.
Ilan sa mga mamimili, tulad ng buyer na si Jocelyn Dizon, ay nagmula pa sa Maynila, Nueva Ecija, at Isabela upang maghakot ng paninda na idadala sa iba’t ibang pamilihan kabilang ang National Capital Region (NCR).
Inaasahan ng mga lokal na flower farmer na magpapatuloy ang dagsa ng mga mamimili mula ngayong umaga hanggang Oktubre 31 upang mag-imbak ng sapat na suplay ng mga bulaklak.
Inaasahan din ng mga buyer at magsasaka ang pagtaas sa presyo ng mga bulaklak dahil sa mataas na presyo ng petrolyo na nagpapamahal sa gastos sa transportasyon.
Bukod sa mga direktang bumibili sa hardin, naghahatid din ang mga magsasaka ng kanilang mga bulaklak sa Benguet State University (BSU) Orchidarium sa La Trinidad, Baguio City, at sa iba pang mga bayan sa Benguet.
Dahil dito, hinihikayat ang publiko na tangkilikin ang mga lokal na magsasaka ng bulaklak upang makatulong sa kanilang kabuhayan at makabawi mula sa epekto ng mga nagdaang sama ng panahon.














