-- Advertisements --

Kinumpirma ng isang prosecution witness na hindi kasama si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez sa listahan ng mga proponent ng flood control projects na may kaugnayan sa umano’y P7.4-bilyong plunder case laban sa kaniya.

Sa pagdinig sa Sandiganbayan Third Division, sinabi ni DPWH engineer Carlo Rivera na nakolekta at naihatid niya ang umano’y P5 bilyong commitment fees o kickbacks mula sa mga kontratista kay dating DPWH Bulacan First District Engineer Henry Alcantara, na kalauna’y ipinasa kay dating Ako Bicol party-list representative Zaldy Co.

Ayon kay Rivera, si Co ang namahagi umano ng pondo sa mga proponent ng flood control projects, kabilang ang kaniyang sarili, si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, Senator Jinggoy Estrada at dating Senator Ramon Bong Revilla Jr. Gayunman, sinabi rin niyang si Alcantara ang nagbigay sa kaniya ng listahan ng mga proponent.

Naganap umano ang pangongolekta ng commitment fees mula 2022 hanggang 2025.